Sugatang bilanggo, inakusahan ang pulis ng pananakit... sabay kabig

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 11:05 PM | Updated as of Oct 26 2017 12:20 AM

Inakusahan ng isang bilanggo ng pananakit ang isang pulis sa Norzagaray, Bulacan.

Pero biglang nagbago ng pahayag ang detainee dahil umano sa takot.

Nagkulay-ube sa pasa ang puwet at likurang bahagi ng kaliwang hita ng 27 anyos na si Roy Agustin, detainee sa piitan sa Norzagaray, Bulacan.

Duguan at tuklap din ang balat ng kaniyang kanang hita habang pumutok ang labi niya at may mga gasgas pa sa katawan.

Kuwento ng ina ng inmate, mangiyak-ngiyak pa si Agustin habang ipinapakita sa mga magulang ang kaniyang mga sugat sa katawan dahil sa pananakit umano ng warrants officer ng presinto.

“Tapos umiiyak siya, tatlong araw daw silang hindi pinakain. Tatlong araw silang nakasabit sa selda. Kapag sinusubuan sila ng mga kasama nila, ayaw, nagagalit daw ‘yong pulis, huwag daw pakainin ginawa silang hayop,” kuwento ni Cathy Agustin, ina ni Roy.

Nakuhanan din ng retrato at video ng mga magulang niya ang lima pang bilanggong sugatan at may mga pasa rin sa hita at paa. Nangingitim pa ang kuko ng isang preso.

Ayon sa ginang, itinuro ng kaniyang anak at kapuwa-detainees na utak sa pag-torture ang warrants officer na si PO2 Benjie Enconado.

Linggo pa nasugatan ang kaniyang anak at mga kapuwa-bilanggo pero hindi umano sila ipinagamot sa kalapit na ospital.

“May mga tama pa siya. Sa ulo siya sinuntok ni Enconado bago siya 'pinaddle'. Siya lang talaga ang nag-paddle tapos binugbog ng ibang pulis. Every 10 minutes nga daw pinapalo sila, nakabitin sila, pinapalo sila. Tapos pinabugbog pa ‘yong anak ko sa lahat na preso do’n, hanggang do’n sa CR daw po, kinuyog ‘yong anak ko dahil inutos nung Enconado na bugbugin,” kuwento ni Cathy. 

Nitong Miyerkoles lang naipagamot si Agustin at nalagyan ng bandage ang sugat sa hita.

Itinanggi naman ni Enconado ang bintang sa kaniya at sinabing kahit itanong pa sa "mayor" ng kulungan ay wala siyang kinalaman sa pananakit sa mga preso.

“Mayro’n silang tinatawag na mayor doon, sila ang magpapatunay na sila mismo ang gumawa ng… Handa naman po kaming sagutin kung ano man ‘yong nararapat na aksiyon na ginagawa nila,” ani Enconado.

Aminado rin ang mayor na siya ang responsable sa pag-torture sa mga preso.

“Tumangka silang tumakas na pati ‘yong warden namin, dinamba nila, sinakal nila,” ani Joel Dela Torre.

Ipinakita pa niya ang paddle na ginamit sa anim na detainee.

Bigla rin namang kumabig si Agustin nang ma-interview na ng ABS-CBN News reporter.

Sinabi niyang ang mayor nga ang nag-torture sa kanila at hindi si Enconado.

Pero ayon sa mga magulang ni Agustin, hindi nagsasabi ng totoo ang anak nila sa takot na baka may mangyari sa kanila sa loob ng kulungan.

“Tinakot na po ‘yon kasi kahapon, hindi ganoon ang sinabi sa amin,” ani Cathy. 

Tinanong naman si Enconado kung may CCTV sa loob ng kulungan at sinabi niyang wala.

Nakuhanan naman ng News team na may isang CCTV camera sa loob ng presinto, pero nakatutok ito sa sahig. 

Gusto ngayon ng Public Attorney's Office na mailipat na ng selda ang umano'y sinaktang detainees para hindi na sila matakot sa maaaring gawin sa kanila ng pulis at iba pang detainees habang naroon sa parehong presinto.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.