'Quedan' nakapasok na sa PAR; magdadala ng ulan sa Bicol, Visayas

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 07:13 PM

Nakapasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Tropical Storm "Saola," na ngayon ay tinawag nang "Quedan."

Ayon sa PAGASA, namataan ang bagyo sa loob ng PAR bandang 3 p.m. nitong Miyerkoles sa layong 1,170 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.

May bilis itong 80 kilometro bawat oras at may pagbugsong aabot sa 95 kilometro bawat oras.

Inaasahang kikilos ang bagyong Quedan sa direksiyong hilagang kanluran sa bilis na 21 kilometro bawat oras.

Magdadala ng ulan sa Bicol region at Visayas ang "trough" ng bagyong Quedan. Asahan ang maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms.

Mayroon ring Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na umiiral sa bahagi ng Palawan at Mindanao na magdadala ng maulap na papawirin at pabugso-bugsong pag-ulan.

Magiging maulap rin sa Metro Manila at sa kabuuan ng Luzon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.