Palasyo, nanawagan ng 'sakripisyo' sa publiko kaugnay ng ASEAN holidays

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 03:32 PM | Updated as of Oct 25 2017 03:53 PM

Nanawagan ang pamahalaan ng pag-unawa sa publiko dahil sa istorbong maaaring idulot ng sunod-sunod na suspensiyon ng pasok sa klase at trabaho kasabay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre.

"Konting sakripisyo at pag-unawa ang hinihiling natin sa ating mga kababayan," ani Ana Marie Banaag, assistant secretary for operations ng Presidential Communications Group, sa panayam ng DZMM nitong Miyerkoles.

Ayon kay Banaag, layunin ng suspensiyon na makaiwas ang mga pinuno ng mga bansa sa trapiko upang hindi maantala ang mga pagpupulong sa ASEAN.

"Maaapektuhan talaga ang mga meetings dahil sa trapiko at siyempre doon sa seguridad ng mga darating na leaders," ani Banaag.

Nasa 21 pinuno ang inaasahang dadalo sa summit, kabilang sina United Nations Secretary General António Guterres at US President Donald Trump.

"Wala pa nga po ang mga leaders, wala pang masyadong bisita, sobra na po ang traffic sa ating bansa," ani Banaag.

Noong Lunes, idineklara ng Malacañang bilang "special non-working days" ang Nobyembre 13, 14 at 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga upang magbigay daan sa ASEAN summit.

Nauna nang nagsuspinde ang Metro Manila Council ng pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa Nobyembre 16 at 17.

'Nakasasama sa ekonomiya'

Dahil dito, umaray ang ilang pangkat ng mga manggagawa at employers, gaya ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) at Employers' Confederation of the Philippines (ECOP).

Wala kasing aasahang suweldo ang contractual workers at mga empleyado ng mga kompanyang may "no work, no pay policy" tuwing non-working holiday.

Bilang solusyon, panukala ng ALU-TUCP na magbigay ang gobyerno ng ayuda sa mga manggagawang apektado.

Ayon naman kay Donald Dee, pangulo ng ECOP, hindi nakatutulong ang sunod-sunod na suspensiyon ng trabaho sa pag-unlad ng ekonomiya.

"We have to show that we are making our economy competitive. 'Yon ang hindi natin ginagawa, that's so frustrating," ani Dee.

Dapat umanong resolbahin ang problema sa trapiko sa halip na magdeklara ng "walang pasok."

Bukod sa mga manggagawa, apektado rin ang sektor ng edukasyon dahil mapipilitan ang ilang paaralan na magpauwi ng dagdag-aralin sa mga estudyante.

"Sa halip na aralin mo sa normal na araw na dapat mo siyang kinukuha, may mga paghabol na ginagawa o kaya'y binibigyan natin sila ng karagdagang assignments," ani Tonisito Umali, undersecretary sa Department of Education.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.