Lola, nawalan ng tirahan dahil sa nakasinding katol

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 10:34 AM

DAVAO CITY – Isang 67-anyos na babae ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang apoy Miyerkoles ng madaling araw sa Toril, Davao City.

Walang naisalbang gamit si Diosdada Abellana ng masunog ang kanyang bahay pasado alas 12:15 ng madaling araw sa Purok 1, Lubugan. Pati mga kandila na inilalako niya tuwing Undas ay naubos ng apoy.

Base sa imbestigasyon, napabayaang nakasinding katol ang sanhi umano ng sunog.

Wala namang nadamay na bahay sa insidente.

Aabot sa P17,000 ang danyos ng sunog.

Nagpaalala naman ang awtoridad na huwag hayaang nakasindi ang mga katol o de-gasolinang lampara habang tulog o wala sa bahay. Kung kinakailangang gamitin, ilayo ang mga ito sa mga gamit na madaling pagsimulan ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.