Halaman, basura, pampasira sa Nasugbu beach

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 03:27 PM

Popular na dinarayo ng mga turista ang bayan ng Nasugbu sa Batangas dahil sa kaaya-ayang mga beach resort na nakahanay sa dalampasigan nito.

Kaya laking gulat na lamang ng ilang residente ng Barangay Papaya nang madatnan nila ang napakaraming water hyacinth at basurang palutang-lutang sa dating malinis na katubigan.

Nabulabog ang mga residente ng Barangay Papaya sa Nasugbu dahil sa dami ng water hyacinth, plastik, at iba pang basurang nadatnan nilang nakalutang sa dalampasigan. Kuha ni Marlon Limboc.

Ang mangingisdang si Teodoro Tala, sinabing lubhang apektado ang kanilang kabuhayan dahil hirap umano silang pumalaot. 

Aniya, nakaharang kasi ang mga kalat sa dadaanan ng kanilang bangka.

Kuha ng Nasugbu Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayon kay Alex Pimental ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Nasugbu, taon-taong may water hyacinth sa katubigang malapit sa bayan pero ngayon lang umabot ng ganoong karami.

Tinatayang aabot sa humigit kumulang 15 ektarya ang lapad ng kalat, kabilang ang mga plastik at iba pang basura, na napadpad sa Nasugbu ngayong taon.

Posible umanong nagmula ito sa mga kalapit na ilog at lawa, gaya ng Pasig River at Laguna De Bay, dahil sa hangin at ulang dala ng bagyong "Paolo" noong nakaraang linggo.

Noong Lunes, nagdaos ng clearing operation ang lokal na pamahalaan at ilang mga residente upang linisin ang mga kalat sa dagat.

Balak din ng lokal na pamahalaan na magkasa ng paglilinis sa ilalim ng dagat dahil posible umanong makalason sa yamang dagat ang mga lumubog na basura.

-- Ulat nina Paulo Ferrer at Mariz Laksama, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.