Asawa umano ng top drug personality sa Lucena, tinambangan

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 01:13 PM

Dead on arrival sa pagamutan ang 34-anyos na babae matapos pagbabarilin ng riding in tandem, Martes ng gabi sa Lucena City.

Ayon sa imbestigasyon, nagmamaneho ng kanyang puting sasakyan ang 34-anyos na si Rhine Christine Briones Alcala, alyas Arlene Alcala, nang tambangan ito sa Barangay Ilayang Iyam.

Nagtamo si Alcala ng mga tama ng bala sa katawan na siyang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Asawa ng biktima si Sajid Alcala at manugang siya ni Athel Alcala na umano’y mga top drug personality sa lalawigan ng Quezon.

Ayon naman sa record ng pulisya, dati na nilang naaresto si Arlene matapos ma-raid ang bahay nito na nakuhanan ng umano’y mga iligal na droga noong September 22, 2016.

Nakalaya naman daw ito matapos makapagpiyansa.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para mahuli ang mga bumaril kay Alcala at malaman ang tunay na motibo sa pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.