ALAMIN: Pagkakaiba ng 'plunder' sa 'graft'

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 03:34 PM | Updated as of Oct 25 2017 09:34 PM

Patuloy ang mainit na kontrobersiyang bumabalot kay dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, na nagsimula nang paratangan siya ng kaniyang misis na may tinatagong halos P1.2 bilyon na "ill-gotten wealth."

Nitong Lunes, tinanggap na ng Malacañang ang agarang pagbibitiw sa puwesto ni Bautista bilang pinuno ng Comelec kung kaya't hindi na ito maituturing na "impeachable officer."

Itigil man ng Kongreso na dinggin ang impeachment case laban sa kaniya, maaari na siyang kasuhan sa mga umano'y ginawa niya bilang kawani ng gobyerno. 

"Since wala na siya sa posisyon, puwede na siyang sampahan ng kaso ... kung alam ng magfi-file ng complaint na [may] valid grounds sila," ani Atty. Claire Castro sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM noong Martes.

Noong Martes, ipinahayag ni Lorna Kapunan, abogada ng misis ni Bautista, na magsasampa ang kanilang kampo ng reklamong "plunder" laban sa dating pinuno ng Comelec.

Paliwanag ni Castro, "plunder" ang maaaring ikaso sa isang opisyal na nagnakaw mula sa gobyerno ng halagang hindi bababa ng P50 milyon.

"So kapag kulang doon (P50 milyon), hindi siya plunder," ani Castro.

Hindi kinakailangang isang bagsakan ang pagkimkim ng pera basta ang kabuuang halaga'y P50 milyon, kahit sa hiwa-hiwalay na transaksiyon.

Papatawan ang sinumang mahatulan ng plunder ng reclusion perpetua (20-40 taon na pagkakakulong) at hindi rin maaaring magpiyansa ang nagkasala.

Kaiba ito sa kasong "graft" na isinasampa rin sa mga opisyal na nagnanakaw ng pera sa gobyerno.

Graft ang maaaring ireklamo kapag mas mababa sa halagang P50 milyon ang nasamsam.

Sinumang mapatutunayang nagkasala sa graft ay makukulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit ng 10 taon. Maaari ring magpiyansa sa kasong graft.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.