Magkakasunod na holiday, may negatibong epekto sa manggagawa?

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 03:51 PM

Idineklara na special non-working days sa Metro Manila, Bulacan, at Pampanga ang Nobyembre 13, 14 at 15 para bigyang daan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Meetings na gaganapin sa Maynila, at Clark, Pampanga. 

Pero imbes na makatulong, sinasabing negatibo ang epekto nito sa mga manggagawa dahil sa umiiral na "no work, no pay" policy ng ilang employer. 

Bukod sa mga manggagawa, may epekto rin umano ito sa mga maliliit na negosyo na dapat magbayad nang mas mataas na pasahod sa kanilang tauhan kapag nag-operate ng holiday. 

Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, lubos na apektado ang mga nagtatrabaho bilang messenger, kolektor, o iyong mga kailangang makipag-ugnayan sa opisina ng gobyerno. 

"[Apektado] karamihan sa mga manggagawa lalong lalo na 'yung mga arawan o daily paid, 'yung mga contractual, at lalong mas malaki ang epekto nito doon sa mga informal sector worker kasi mawawalan sila ng kita," ani Tanjusay.

Hindi tulad ng mga regular workers, wala umanong maaaring i-invoke na karapatan ang mga nasabing manggagawa upang mabayaran kapag holiday. Ang magagawa lamang ng mga ito ay pakiusapan ang mga amo. 

"[I]nformal sector workers...yung kawawang maapektuhan nito dahil wala nga silang proteksyon, wala silang leverage, wala silang unyon, wala silang rights to protect themselves during these circumstances," paliwanag ni Tanjusay. 

Bilang solusyon, suhestiyon ni Tanjusay na bigyan ng gobyerno ang mga informal sector workers ng ayuda upang hindi na rin umangal ang mga employer. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.