Iniwang sanggol na pinadede ng babaeng pulis, nag-viral

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 11:29 PM | Updated as of Oct 26 2017 02:41 AM

Photo courtesy of Tandag Pulis Facebook Page

Viral ngayon sa social media ang ginawang pagpapadede ng isang babaeng pulis sa isang buwang sanggol na pansamantalang iniwan ng ina sa istasyon ng pulis sa Tandag City, Surigao del Sur.

Umani ng papuri ang ginawa ni PO2 Rochelle Gordo para sa sanggol. Si Gordo ang kasalukuyang assistant administration officer ng Tandag City Police.

Walang malay si Gordo na kinunan na pala siya ng retrato ng kasamahan. Ang naturang retrato ay na-upload din ng kanyang kasamahan sa social networking site.

Huwebes nang dumulog sa Tandag City Police ang ina ng bata na si "Maymay," hindi niya tunay na pangalan. Nagrereklamo siya umano sa pangungutya ng kaniyang mga kapitbahay na siya ay baliw.

Posibleng dumadaan sa postpartum depression ang ina ng sanggol na nag-iba ang ikinikilos matapos na manganak nitong Setyembre.

Iniwan ni Maymay ang sanggol sa istasyon ng pulis para kumuha ng gatas para sa anak. Inilapit naman ng mga tauhan ng Women and Children's Protection Desk kay Gordo ang sanggol dahil sa walang tigil na pag-iyak na dala na rin siguro ng gutom.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Gordo, na mayroon ding 8 buwang sanggol, na padedehin ang sanggol.

Ang sanggol ay nasa pangangalaga na ng kanyang lola, pero maging ang lola ay di alam kung saan kukuha ng pangtustos sa gatas ng bata.

Malaking pasanin pa ang kinakailangang pagpapagamot para kay Maymay.

Ngayong Martes ay bumalik sa istasyon ng pulis si Maymay. Sa kanyang kilos at pananalita, halata na kailangan na niyang maipasuri sa isang doktor para agad maagapan ang kanyang kondisyon.

Dumating din sa istasyon ng pulis ang ina ni Maymay na dala ang sanggol. Huling timpla na pala ang gatas sa feeding bottle na pinadedede niya sa sanggol.

Grade 12 student si Maymay sa isang eskwelahan sa Tandag City ngunit nahinto siya ngayon sa kanyang pag-aaral.

Galing panganak noon sa ospital nang magka-nervous breakdown si Maymay. Muntik pala siyang maaksidente sakay sa motorsiklo nang pauwi na sa kanilang bahay. Wala din umano itong ganang kumain.

Napatingnan na sa isang doktor si Maymay at posible nga raw na postpartum depression ang pinagdadaanan niya. Mahalaga rin na masuri siya ng isang psychiatrist o kaya ay agarang magamot sa mental hospital sa Davao habang maaga pa.

Nakikipag-ugnayan ang Tandag City Police sa Social Welfare Office pero wala pang tugon sa kanilang hinihiling na tulong.

Kuwento naman ng kasamahang pulis ni Gordo na si PO2 Llouid Taganahan, minsan na rin pa lang natulungan ni Gordo ang kanyang bagong silang na sanggol ngayong Mayo. Nanganak ng caesarian section at wala pang gatas ang asawa niya nang lapitan niya si Gordo at agad namang tumulong. 

Dalawang araw na supply ng gatas ang naiambag ni Gordo para sa anak ni Taganahan.

Ang pagtulong ni Gordo sa isang buwang sanggol ngayon ay ang pang-anim na sa mga batang kanyang natulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.