4 bahay sa QC tinupok ng apoy

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:26 AM

MAYNILA - Apat na bahay ang tinupok ng apoy sa Don Manuel Street, Barangay Salvacion, Quezon City Martes ng madaling araw.

Walong pamilya ang apektado ng sunog na nagsimula pasado ala-1:00 ng madaling araw at agad itinaas sa ika-3 alarma.

Sa pagkukumahog makalabas ng bahay, karamihan sa mga nasunugan ay walang naisalbang mga gamit.

Wala namang naitalang nasugatan sa sunog na nagtagal nang may isang oras.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang nagsimula sa inuupahang kuwarto ng isang Freddie Dayao ang sunog.

Napag-alamang may alitan pala si Dayao at ang may-ari ng paupahang bahay na si Ariel Garcia bago ang sunog.

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad si Dayao na itinuturing ngayong "person of interest."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.