Lalaking nagdiwang ng kaarawan, sinaksak ng kababata

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2016 11:38 AM

MANILA - Sugatan ang isang lalaking nagdiwang ng kanyang kaarawan Linggo ng gabi makaraang saksakin ng kababata sa Pasay City.

Kwento ni Michael Garillos, pauwi na siya sa Barangay 183, Villamor Air Base nang makasalubong niya ang kababatang si Mike Angelo Neri.

"Aapiran ko po siya, pero yung inapir niya sa 'kin, kutsilyo," ani Garillos. 

Isinugod sa ospital si Garillos na nagtamo ng mga sugat sa ulo at kaliwang balikat. 

"Yung tama ng saksak sa kanyang ulo, medyo delikado 'yun," sabi ni PO2 Noel Burden, imbestigador ng kaso. 

Inamin naman ni Neri na napag-initan niya ang biktima dahil sa madalas na pangangantyaw sa kanya nito at ng iba pa nilang kaibigan. 

"Lagi nila akong inaasar, pinagtutulungan nila ako... Kaibigan ko nga sila palagi nila akong ginagago," reklamo niya. 

Naniniwala naman si Garillos na impluwensya ng iligal na droga ang nagtulak sa kababata para saksakin siya. 

"Epekto siguro ng pagdo-droga n'ya... 'Pag nag-iinuman kami, niyayaya namin. S'ya lang ayaw kasi lulong sa droga," ani Garillos. 

Itinanggi naman ni Neri ang paratang. Dagdag ng kanyang ama, umiinom ang anak ng gamot para sa diperensya umano sa pag-iisip.

Humingi ng paumanhin si Neri sa kababata, ngunit itutuloy pa rin ang pagsampa sa kanya ng kasong frustrated homicide.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.