Bakbakan sa Marawi, tuluyan nang winakasan

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 02:59 PM | Updated as of Oct 24 2017 12:45 PM

  • 'Main battle are' sa Marawi, napuntahan ng mga miyembro ng media
  • 'Graduate' na sa kanilang misyon ang ilang sundalo
  • Supply ng koryente at tubig, hindi pa naibabalik sa ilang barangay

Sa ika-154 na araw ng bakbakan, tuluyan nang nasupil ang mga teroristang limang buwang naghasik ng karahasan sa lungsod ng Marawi.

Inanunsiyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Lunes ng hapon ang pagtatapos ng combat operations o pakikipagbakbakan ng tropa ng pamahalaan laban sa teroristang grupong Maute.

Sa isang panayam, sinabi ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Major General Restituto Padilla na nagmatigas ang mga natitirang terorista kahit na napapaligiran na sila ng tropa ng gobyerno.

"The moment the President declared the liberation of Marawi, last 17 October, since then, the enemies [that] have remained in the main battle area were no longer a force to [be] reckon[ed] with because they were cornered, they had no place to run, no place to go to or escape," ani Padilla. 

"We attempted and we tried to persuade these remaining rebels, these stragglers who were leader-less to surrender, unfortunately, they opted to make the last stand."

Dagdag ni Padilla, nabawi sa lugar ang 42 bangkay, kabilang na ang dalawang misis umano ng mga terorista na nakisama rin sa bakbakan.

Sabi rin ng tagapagsalita, sa kabila ng mga itinakdang deadline, walang ibinabang "pressure" sa mga sundalong tuldukan na ang sigalot.

Posible na pinaigting lang ng mga sundalo ang operasyon para makauwi na rin sila sa kani-kanilang pamilya bago mag-Pasko.

Ayon kay Colonel Romeo Brawner, deputy commander ng Task Force Ranao, nakuha rin nila ang labi ng mga sundalong pinatay ng mga terorista.

"It's very sad to note that the bodies of the soldiers... were either burned or mangled... 'yong isang katawan ng isang sundalo, pinugutan," ani Brawner.

Ayon pa rin kay Brawner, 920 ang napatay na terorista sa limang buwang bakbakan.

Kasunod ng press briefing para ideklarang tapos na ang bakbakan sa Marawi, inanyayahan ang mga miyembro ng media na pumunta sa "main battle area" ng Marawi.

Una nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 17 ang paglaya ng Marawi mula sa mga terorista matapos mapaslang ang mga itinuturing na "pasimuno" ng sigalot na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon. 

Sa kabila ng pagkamatay nina Maute at Hapilon, may ilan pang natirang mga armadong terorista na patuloy na nakipaglaban sa tropa ng pamahalaan.

Mayo nitong taon nang magulantang ang mga residente ng siyudad sa pagsalakay ng mga Maute kasunod ng bigong pag-aresto dapat kay Hapilon.

Dahil sa pag-atake, isinailalim ng Pangulo sa batas militar ang buong Mindanao.

Hindi pa rin inaalis ng pamahalaan ang umiiral na batas militar dahil sa paniniwalang maaaring sumalakay ang iba pang teroristang grupo sa rehiyon. 

Kasabay ng pagtatapos ng limang buwang bakbakan sa Marawi, babalik na sa kanilang mga pinaggalingang lugar ang ibang sundalo, bitbit ang hindi malilimutang karanasang mas nagpatatag sa kanila.

Nitong Lunes, nagtapos din ang anim na klase ng scout rangers, special forces at light reaction company sa kanilang test mission sa main battle area.

Nakangiti man dahil tagumpay ang kanilang misyon, hindi pa rin magawang maging lubusang masaya ng mga sundalo dahil sa pagkakasawi ng ilang kasamahan.

Para sa pinuno ng Philippine Army, isa ito sa pinakamalaking tagumpay ng kanilang hukbo.

"We have really learned a lot of lessons dito sa main battle area... iba 'yong naging dynamics ng operational environment," ani Lt. Gen. Rolando Bautista, commanding general ng Philippine Army.

Pagsasaayos

Samantala, iginiit ni Marawi Mayor Majul Usman Gandamra na kailangan munang ibalik ang mga pangunahing serbisyo sa Marawi City bago makauwi ang mga "bakwit" o lumikas na residente sa siyudad.

Todo kayod ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa paglilinis ng mga kalsada.

Subalit isa umano sa mga kinahaharap nilang suliranin ay ang kawalan ng tubig.

"Bilang isang residente po... medyo mahirap pang mabalikan dala ng marami pang hindi pa naaayos kasi paglilinis kailangan ng bawat bahay ng tubig," ani Mohammad Sani, miyembro ng BPAT sa Barangay Raya Saduc.

Bukod sa tubig, hindi pa rin naaayos ang linya ng koryente ng siyudad.

Naglaan naman ng P5 bilyon pondo ngayong 2017 ang gobyerno para sa rehabilitation o pagsasaayos sa Marawi.

Madadagdagan ito ng P10 bilyon sa susunod na taon.

Takbo para sa pasasalamat

Tumakbo naman mula Mindanao State University sa Marawi hanggang Iligan ang 44 anyos na si Jamalul Alauya.

Ayon sa kaniya, paraan niya ito ng pasasalamat sa lahat ng tumulong para makamit ang kapayapaan sa Marawi.

Simbolo rin daw ito ng naganap na exodus ng mga bakwit noon.

Huwag nang pahabain

Iginiit naman ni Philippine National Police chief Director-General Ronald Dela Rosa na hindi na kailangang palawigin ang batas militar sa Mindanao.

Ito'y matapos pahintulutan ng Kongreso noong Hunyo ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na paabutin hanggang Disyembre 30 ngayong taon ang batas militar.

"Tama na siguro hanggang December 30 para maka-start na ang rebuilding efforts, para naman bumalik na sa normal ang buhay ng mga taga-doon," ani Dela Rosa.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Kori Quintos, at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.