2 patay, 1 sugatan sa salpukan ng 2 motorsiklo sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2017 11:36 PM

DAVAO CITY - Dead on the spot ang dalawang nagmamaneho ng motorsiklo habang sugatan naman ang isa sa mga sakay nito sa isang aksidente sa Bunawan, Davao City Lunes ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Lennox Deromol, 16 taong gulang at Daniel Ojeda st., 63 taong gulang. Sugatan naman ang sakay ni Ojeda na si Miguel Tamayo Jr.

Sa tindi ng salpukan ay nasira ang makina, gayundin ang gulong sa harapan ng dalawang motor.

Nagdulot rin ng matinding traffic palabas ng Davao City ang salpukan ng dalawang motor dahil nagkalat sa kalsada ang mga parte ng motor na nawasak.

Sa imbestigasyon ng pulis, tumawid sa kabilang lane ng kalsada patungong Bunawan ang driver na si Ojeda habang tinatahak naman ni Deromol ang inner lane papuntang Tibungco nang mag-abot ang dalawa.

Inararo ni Deromol ang motor ni Ojeda ng may 25 metro.

"Kung basehan nato sa debris sa motor, kusog gyud ang dagan nila" sabi ni PO3 Danny Nicor. (Kung basehan natin ang debris ng motor, mabilis talaga ang takbo nila.)

Napaiyak na lang si Gloria Ojeda nang malaman na patay na ang kanyang asawa.

Paalala ng mga otoridad, laging mag-ingat sa pagmamaneho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.