Mga pulis at militanteng grupong nag-aabang kay Duterte, nagkagirian

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 08:48 PM | Updated as of Oct 22 2017 08:51 PM

Nagkagirian at nagkatulakan nang harangin ng mga pulis ang mga demonstrador na gusto sanang makalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pagbisita sa Bacolod City, Negros Occidental.

Nagtipon ang ilang miyembro ng grupong Bayan-Negros para magprotesta laban kay Duterte sa Masskara Festival nitong Linggo, Oktubre 22.

Nais ng mga demonstrador na singilin daw ang Pangulo sa mga pangakong hindi pa nito natutupad, tulad ng pagtugon sa isyung kontraktuwalisasyon at peace talks.

Pero napigilan sila ng mga pulis na makalapit sa Bacolod Public Plaza.

Sa kabila ng protesta, itinuloy ang kasiyahan ng pista.

Mayroong mga banyagang dumayo pa upang makipagdiwang.

Humataw sa pagsayaw ang mga bilanggo ng Bacolod District Jail.

Patok ang mga makukulay na float na sumali sa parada para sa Electric Masskara.

Mas naging makulay ang pagdiriwang dahil sa tagisan ng fireworks display.

Bumida rin ang iba-iba at makukulay na disenyo ng mga maskara sa ABS-CBN Masskara Village. 

Karamihan sa mga disenyo'y gawa sa recycled materials.

Nakisaya rin ang ilang Kapamilya stars tulad ng cast ng teleseryeng "The Promise of Forever" na sina Ritz Azul at Ejay Falcon.

Naroon din ang mga bida ng "Wildflower" na sina Maja Salvador, Tirso Cruz III, Aiko Melendez, RK Bagatsing, at Vin Abrenica.

-- Ulat ni Rod Macenas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.