Sa isang gusali na lamang nagkukubli ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupong Maute na nais matugis ng tropa ng pamahalaan ngayong Linggo, Oktubre 22.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, commander ng Joint Task Group Ranao, nasa 30 miyembro ng Maute na lamang ang nakikipaglaban sa mga sundalo sa Marawi City.
"Firefight is still ongoing in the main battle area ... the firefight is confined to just one building," ani Brawner sa isang press briefing nitong Linggo ng hapon.
Naniniwala rin ang militar na wala nang hawak na bihag ang mga terorista dahil nailigtas na nila ang natitirang 20 bihag.
Ibig sabihin, pawang mga Maute fighter at ilang banyagang terorista na lamang ang nasa gusali. Kabilang dito ang mga babaeng asawa ng mga Maute na nagsilbi ring manlalaban.
Ayon kay Brawner, layunin ng militar na wakasan ngayong araw ang halos limang buwang bakbakan sa pagitan ng militar at mga terorista.
Sa huling tala ng militar, nasa 990 miyembro ng Maute ang napatay habang nasa 165 naman ang nasawi mula sa hanay ng mga sundalo’t pulis.
Ilang residente, makababalik na
Kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya at ligtas na ang siyudad, ibinahagi ni Brawner na maaari nang makabalik ang ilang residente ng Marawi ngayong linggo.
Ngunit kinakailangan munang maibalik ang mga pangunahing serbisyo gaya ng kuryente, tubig, mga tindahan at paaralan bago pauwiin ang mga residente.
"If the barangay officials will be able to accomplish the requirements that we gave them ... we might be able to allow the residents of Marawi to come back to their houses," ani Brawner.
Magtatalaga rin ng mga checkpoint ang mga awtoridad upang siguruhin ang seguridad ng mga babalik na residente.
"We have to ensure that the residents will come back are indeed residents of that barangay," ani Brawner.
Mayroong listahang ihahanda ang lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga residente.
Tinatayang nasa siyam na barangay ang maaari nang buksan para sa pagbabalik ng mga residente.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.