Mala-'Hiroshima' na lugar sa Marawi, iminungkahi ng isang arkitekto

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 07:57 PM

Sa tindi ng pinsalang inabot ng Marawi City dahil sa halos limang buwang bakbakan, palaisipan para sa nakararami kung paano ito muling makababangon.

Pero para kay Architect Jun Palafox, oportunidad ito para makapagtayo ng mas magandang siyudad.

Unang mungkahi ni Palafox, sa halip na pabalikin ang mga residente, magtayo na lamang ng bagong siyudad sa paligid ng Marawi.

Puwede raw gawing pook na gumugunita sa dinanas ng Marawi o kaya'y puntahan ng mga turista ang lugar ng bakbakan.

"Our inspiration is, let's say Hiroshima, Japan. They have maintained the ground zero [of] the atomic bomb and they built a new city around it," ani Palafox.

Tinutukoy ni Palafox ang pinsalang dulot ng pambobombang pumulbos sa isang siyudad sa Japan noong ikalawang digmaang pandaigdig. 

Pero kailangang respetuhin ng gobyerno ang pag-aaring lupa ng mga residente.

Tinatayang nasa P400 bilyon ang kinakailangang pondo para maibalik sa dati ang Marawi. Mas malaki ito sa P10 bilyon pondo na unang tantiya ng gobyerno.

Ayon kay Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra, dapat malaman muna ang pulso ng mga residente.

"Ang sabi ko sa kaniya (Palafox) napakaganda ng plano pero we have to consider the cultural and religious sensitivities of our people," ani Gandamra.

Ayon din kay Palafox, hindi problema ang pondo dahil may ibang bansang handa raw magpaabot ng tulong.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.