2 estudyante nalunod sa beach sa Pangasinan

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 11:23 PM

PANGASINAN - Nalunod ang dalawang estudyanteng Grade 6 nang maligo sa isang beach sa Barangay Tobuan, Labrador sa probinsiyang ito, Sabado, pasado alas-3 ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Cyrus Vinluan, 11, at Ashley Lontoco, 12, na ayon sa mga awtoridad ay lumusong sa dagat kahit pa maalon. 

"Sinisita naman sila kaso 'yung iba hindi nakikinig. Lalo na kapag ganito na malakas ang alon. Pati mga dayo, marami talaga," kuwento nina Jose Acosta, isang barangay kagawad.

Isang rescuer pa ang nagtangkang sumagip sa dalawang bata pero nalunod rin ito matapos tangayin ng malakas na alon. Kinalala siyang si Rommel Gonzales, 18.

Agad narekober ang bangkay ni Lontoco at Gonzales, na naisugod pa sa ospital pero idineklarang dead on arrival. Ang katawan naman ni Vinluan, kinabukasan na natagpuan. 

Ayon sa kaanak ni Vinluan, nagpaalam umano ang bata na pupunta sa eskuwelahan kasama ang mga kaklase at hindi nila alam na maliligo pala sila sa dagat.