Delivery van, nasunog matapos sumayad sa kawad ng kuryente

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 02:33 AM

Madaling masunog ang mga kutson kaya mabilis itong naabo. Tinunaw din ng apoy ang kalahati ng truck.

GENERAL SANTOS CITY- Nagliyab ang isang 10-wheeler delivery truck matapos sumayad sa kawad ng kuryente sa Barangay Apopong dito nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa pahinanteng si Richard Balighot, sumayad ang mataas na bahagi ng truck sa kawad ng kuryente nang pumasok sila sa kalye.

Nag-spark umano ang kawad ng kuryente at napunta sa kanilang mga kutson na siyang naging mitsa ng sunog.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, madaling masunog ang mga kutson kaya mabilis itong naabo. Tinunaw din ng apoy ang kalahati ng truck.

“Yun kasi material na ginagamit sa manufacturing ng mga foam, kahit konting spark lang masunog agad,” ani SFO2 Allan Ray Imperial, hepe ng fire and arson investigation section ng BFP GenSan.

Nasunog ang tinatayang P140,000 na halaga ng kutson na lulan ng delivery van.

Payo ng BFP sa sasakyang pumapasok sa mga residential area, magbaon ng sungkit at magdahan-dahan para maiwasang sumabit at makaputol ng linya ng kuryente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.