2 patay, 4 sugatan sa banggaan sa ComVal

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2017 04:35 PM

DAVAO CITY – Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang kawani ng Department of Education (DepEd) sa Compostela Valley, matapos ang banggaan ng dalawang sasakyan, Biyernes ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Judy Ann Barulo, 36, Technology Livelihood Entrepreneurship Supervisor ng DepEd, at driver na si Marcial Pamen, 40. Sa pagamutan na idineklarang patay si Pamen.

Apat naman ang sugatan sa aksidente: sina Nohara Pinute at Josie Bolofer, kapwa guro, driver ng forward truck na si Tito Paler, at ang pahinante nitong si Ryan Paques.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Mawab Police, galing sa DepEd Division Office sa Nabunturan, Compostela Valley ang grupo ni Barulo sakay ng service vehicle at pauwi na sa Mabini nang makasalpukan ang trak sa pakurbadang bahagi ng Barangay Tuburan.

"Curveline diyan tapos nawalan na daw ng break ang truck kaya hindi na daw na-control ng driver, nag-encroach siya sa SUV ng DepEd… nagkaroon ng collision," ayon sa hepe ng Mawab Police na si Senior Inspector Jericho Rapiz.

Halos wasak ang sasakyan ng DepEd dahil sa malakas na pagkakabangga.

Ikinalungkot naman ng mga guro at mag-aaral ang nangyari.

"Malaking kawalan siya sa amin kasi magaling siya and very approachable," sabi ng principal ng Nabunturan National Comprehensive High School na si Editha Jao.

Patuloy pang nagpapagamot ngayon sa ospital ang mga sugatan.

Samantala, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at multiple physical injury ang driver ng Forward truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.