Pilipinas, kabilang sa mga bansang may mataas na 'displacement risk'

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 12:44 AM

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na posibilidad na lisanin ang tirahan dahil sa mga sakuna gaya ng lindol, bagyo, tsunami at baha, base sa pag-aaral.

Lumabas sa pag-aaral na "Global Disaster Displacement Risk" na halos 720,000 tao sa Pilipinas ang maaaring mapilitang iwanan ang kanilang bahay dahil sa epekto ng sakuna. 

Bukod pa rito, ikalima ang Pilipinas sa 10 bansang may pinakamataas na tiyansang mawalan ng tirahan ang mga mamamayan o lisanin ang kanilang bahay.

Average Annual Displacement

1. India 2.3M
2. China 1.3M
3. Bangladesh 1.2M
4. Vietnam 1M
5. Philippines 720,000
6. Myanmar 570,000
7. Pakistan 460,000
8. Indonesia 380,000
9. Russia 250,000
10. USA 230,000

Lumabas din sa pag-aaral na aabot sa halos 14 milyong tao sa buong mundo ang pinangangambahang ma-displace o mapilitang lisanin ang kanilang tahanan kada taon.

Ayon kay Dr. Gemma Narisma, associate director for research ng Manila Observatory, karamihan sa mga bansang mataas ang bilang ng mga napipilitang lumikas ay dahil sa baha.

Bagyo rin ang pangunahing dahilan ng paglikas sa Pilipinas. 
    
Sinabi naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na hindi dapat balewalain ang pag-aaral na ito kaya patuloy ang ginagawang training ng Office of Civil Defense, lalo na sa local government units tungkol sa paghahanda, pag-monitor at pagresponde sa mga sakuna.

Dagdag pa ni Undersecretary Ricardo Jalad, executive director ng NDRRMC, kailangan magtulungan ang mga ahensiya ng gobyerno at komunidad sa paghahanda laban sa mga kalamidad at sakuna para hindi na tumaas ang bilang ng mga taong maaaring mawalan ng tirahan.
    
Ang pag-aaral na "Global Disaster Displacement Risk" ay isinagawa ng Internal Displacement Monitoring Centre ng Norwegian Refugee Council at ng United Nations (UN) Office for Disaster Risk Reduction.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.