Miyembro ng notoryus na illegal recruitment syndicate, huli sa entrapment

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 06:54 PM | Updated as of Oct 20 2017 11:13 PM

Arestado sa entrapment operation ang isang babae na sinasabing miyembro ng 'illegal recruitment syndicate' kung saan umabot na sa halos 3,000 aplikante ang umano’y naloko nila. 

Sapilitang pinababa sa taxi ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crimes Unit (CIDG-ATCU) ang itinuturong illegal recruiter na si Carolina Sareno matapos niyang tanggapin ang P5,000 boodle money. 

Ang nasabing halaga ng pera ay bayad ni 'Rea', isa sa mga nag-aapply ng trabaho sa Japan.

Aabot na sa P100,000 ang ibinayad ni Rea kay Sareno bilang placement, medical, at processing fees pero naloko lang umano siya. 

Miyembro umano si Sareno ng Amor Baruelo Group, isa sa pinakamalaking illegal recruitment syndicate sa bansa na may halos 3,000 biktima na. 

Bigo namang matunton ang lider ng grupo sa isinagawang entrapment operation nitong Huwebes. 

May nakabinbin nang arrest warrant para kay Amor Baruelo noong taong 2000 pa pero hirap siyang mahuli dahil palipat-lipat ng bansa at nagpaparetoke pa ng mukha. 

Depensa naman ng nahuling suspek, napag-utusan lang siya. 

Kakasuhan si Sareno ng illegal recruitment at estafa. 

Nanawagan din ang CIDG-ATCU sa iba pang biktima ng illegal recruitment na makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng mga numerong 09498652400 at 09166176969.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.