Militar, nagbawas na ng tropa sa Marawi pero tuloy ang operasyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 09:39 PM

Nagsimula nang magbawas ng tropa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City kasunod ng paglaya ng lungsod sa mga terorista.

Bago mapatay ang mga lider na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute, matinding ground assault ang ginawa ng tropa sa main battle area. 

Muli namang nagsama-sama nitong Biyernes ang tropa sa loob ng 103rd Brigade pero hindi na sila papunta sa war zone kundi pabalik na sa kanilang mga unit at makakasama na muli ang kanilang mga pamilya. 

Aalis ang commander ng 1st Infantry Battalion na si Lt. Col. Christopher Tampus na ipinagmamalaki na nagawa ang kanilang tungkulin sa kabila ng pagkamatay ng isa nilang kasamahan. 

“’Yung binigay na mission na-accomplish naman po namin,” ani Tampus. 

Nakatakda ring bumalik sa Maynila ngayong Sabado ang isang batalyon ng Philippine Marines.

Pero siniguro ng AFP na mag-iiwan sila ng anim na batalyon para bantayan ang Marawi City kapag nakaalis ang iba pang tropa sa lungsod. 

Sinabi rin ng Western Mindanao Command na patuloy na umuusad ang ground operations.

Nasa 21 ang nasagip sa main battle area kung saan 10 ay kumpirmadong mga naging bihag ng mga terorista, habang ang 11 ay iniimbestigahan pa ng militar. 

“Either dependents or member of the Maute or hostages,” sabi ni Lt. Gen. Carlito Galvez ng Western Mindanao Command tungkol sa 11 na iniimbestigahan. 

Sinimulan na rin ng militar ang paghahanap ng mga umano’y pinaglibingan ng mga namatay na terorista kabilang ang sinasabing pinaglagakan ng katawan ng Malaysian terrorist na si Dr. Mahmud Ahmad.

“Ang bine-verify lang namin is kung kailan at saka ano ang circumstances ng pagkamatay niya,” ani Galvez. 

Dahil sa sunod-sunod na pagkakasagip sa mga bihag, nasa apat na lang umano ang kanilang hinahanap ngayon. 

Tatlong matataas na gusali na lang din ang kanilang kailangang ma-clear sa main battle area. 

Nananatili pa rin anila sa 20 hanggang 30 ang bilang ng mga kalaban kabilang ang mga dayuhang terorista na sina Ibno Kayim at Amin Bako. 

Sa kabila nito, sa tantiya ni Galvez, ay matatapos na ang laban.

“Nakikita namin mga before the end of the weekend, tapos na po talaga,” aniya. 

Pero hanggang hindi pa ito nangyayari, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya pa babawiin ang batas militar sa Mindanao.

“I declared martial law. Everybody was asking when will it stop. It will not stop until the last terrorist is taken out,” pahayag ni Duterte. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.