Mga parking boy, barker, gustong ibawal sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 03:57 PM

Posibleng mawalan ng kabuhayan ang mga indibidwal na nagpa-park ng mga sasakyan at dumidiskarte bilang mga barker ng jeep sa ipinapanukalang mga ordinansa sa konseho ng Baguio.

Sasailalim na sa ikalawang pagbasa ng konseho ng Baguio ang mga ordinansang nagbabawal sa mga pribadong indibidwal na mangolekta ng parking fee mula sa mga motoristang pumaparada sa mga pampublikong lugar. 

Mamamataan sa ilang bahagi ng Baguio City ang mga lalaking nag-aalok ng tulong sa mga nagpa-park at magbabantay sa mga sasakyan. 

Sapul din ang mga dumidiskarte bilang mga barker sa mga lugar na hindi itinalaga bilang terminal ng jeep. 

Ayon sa mga maapektuhan ng panukalang ordinansa, wala raw silang magagawa kundi sumunod.

“Lahat kami dito hindi nakapag-aral. Basta ang sinasabi lang nila, huwag kang gagawa ng hindi maganda, 'yun naman ginagawa namin. 'Yung mga kliyente namin, tiwala naman sa amin, iniiwan sa 'min susi ng sasakyan,” ani Norbert Salvacion, isang parking boy.

Paliwanag ng opisyal, ito ay para maiwasan ang pananamantala sa publiko at mga turista lalo pa't papalapit na naman ang bakasyon.

"Una sa lahat, gusto nating i-regulate 'yung pagko-conduct ng pagba-barker...Nakakaintindi tayo na maraming nangangailangan ng trabaho pero most of the time nakakaabala sila,” depensa ni Baguio City Councilor Leandro Yangot.

Multang P1,000 hanggang P5,000 ang maaaring kaharapin ng mga mahuhuling lalabag sa mga panukala at pagkakakulong na maaring tumagal ng isang buong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.