Pekeng 'recruiter' na nanghuthot ng libo-libo, arestado sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 12:31 PM

Inaresto ang isang babae sa Maynila matapos ireklamo ng mga hinuthutan umano niya ng pera kapalit ng pangakong trabaho sa ibang bansa.

Kinilala ang suspek bilang si Ofelia Ohano Estegoy, 58 anyos, na hinuli ng mga opisyal ng Barangay 631 sa Sampaloc noong Miyerkoles ng gabi.

Nakipagkita si Estegoy o mas kilala sa alyas "Lani Naval," sa isa sa kaniyang mga biktima na si Elvira Canonigo, na agad siyang ipinahuli.

Pinangakuan umano ng suspek sina Canonigo at ang kaniyang pamangkin ng trabaho sa Australia.

Nagbigay pa sina Canonigo ng P54,000 subalit sinubukan nilang bawiin ito nang matagalan sa proseso.

Pero walang maibigay na pambayad ang suspek, kaya nagpasiya si Canonigo na ipakulong ito.

Biktima rin ng suspek si Suzette Lazada, na galing pang Cebu.

Nangako umano ang suspek na ipadadala si Lazada sa China para maging domestic helper o katulong.

Binigyan pa ng suspek si Lazada ng kontrata sa trabaho at pekeng visa sa China.

Bukod sa kanila, dalawang biktima pa na nasa probinsya ang magsasampa ng reklamo laban kay Estegoy.

Umabot sa P125,000 ang kabuuang halaga na nakuha ng suspek sa limang biktima.

Haharap ang suspek sa kasong "large-scale estafa."

Paalala ng pulisya, alamin muna kung accredited o kinikilala ng Philippine Overseas Employment Administration ang isang ahensiya o recruiter bago magbigay ng malaking halaga.

-- Ulat nina Lyza Aquino at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.