'Para 'di na makabalik': Mga pulis, ipinoste na sa 'hepa lane'

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 12:52 PM

Dinagdagan ng lokal na pamahalaan ng Maynila nitong Huwebes ang mga tauhang nagbabantay sa tinaguriang "hepa lane" sa university belt sa Morayta, Maynila.

Layunin nitong matiyak na hindi na babalik ang mga nagtitinda sa lugar matapos buwagin dahil sa hindi nito pagpasa sa pamantayan ng kalinisan ng Manila Sanitation Division.

Kabilang sa mga itinalagang bantay sa lugar ang mga tauhan ng Manila Police District Station 4, Department of Public Service ng Maynila at ilang opisyal ng barangay.

Noong Miyerkoles, nagbukas pa rin ang mga tindahan sa kabila ng utos ng lokal na pamahalaan na itigil na nila ang kanilang operasyon.

Bahagyang nagkagirian tuloy ang mga tauhan ng Manila City Hall at ang mga tinderong pumipigil na maisara ang kanilang puwesto.

Hindi umubra ang pagmamatigas ng mga nagtitinda dahil muling binuwag ang kanilang mga tindahan.

Sa kabila nito, wala namang namataang tindahan sa kalsada nitong Huwebes.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.