PANOORIN: Kuwento ng mga tumugis, nakapatay kina Hapilon, Maute

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:58 PM | Updated as of Oct 20 2017 01:21 AM

(UPDATED) Hindi inakala ni alyas "Lieutenant Licaros" at ng mga kasamahan nitong sundalo na ang kanilang operasyon ang magbibigay daan sa pagpapalaya sa Marawi City.

Sina Licaros, kasama ang iba pang miyembro ng tropa ng militar, ang nakapatay kina Isnilon Hapilon at Omar Maute noong Lunes.

Ayon kay Licaros, na namuno sa pangkat, halos 30 metro lang ang kanilang layo sa kalsadang dinaanan ng mga bihag kasama sina Hapilon at Maute na nagtatangkang tumakas noon. 

"Mabilis 'yong pagtakbo nila papunta sa pantalan, may mga hawak silang bata so hindi namin sila maputukan...ginamit po nilang human shield 'yong mga kasama nilang babae at bata," ani Licaros sa panayam ng ABS-CBN News.

Aminado ang gunner o namaril na kinakabahan siya subalit nang makita sa "thermal lens" ang mga tumatawid, alam na raw niya kung sino ang target.
 
"Masaya, parang nabunutan ka ng tinik sa lalamunan," anang gunner na kinilala bilang "Black Hornet". 

Para sa nagmamaneho ng tangke ng grupo, ang pagkamatay ng dalawang pinuno ng mga terorista ay nagsisilbing hustisya sa mga nasawing kapuwa nila sundalo.

Nitong Huwebes, nasa 13 ang napatay na miyembro ng Maute at dalawa ang nasagip na bihag.

Dr. Mahmud, napatay na?

Kinompirma ni Pangulong Duterte na patay na rin ang teroristang Malaysian na si Dr. Mahmud Ahmad.

“The other, sabi nila si Doc--iyong tatlo. Tatlo iyan Hapilon, Omar, at iyong Doc. I think he's an Arab. He was taken this afternoon. And that completes the story,” ani Duterte.

Dating propesor si Ahmad na kalauna'y naging tagapondo umano ng mga teroristang umanib sa Islamic State, kabilang na ang Maute group. Sinasabing siya ang nagpasok ng pondo upang ilunsad ang giyera sa Marawi. 

Sinabi rin ni General Eduardo Año, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), napatay at nailibing na si Dr. Mahmud Ahmad, batay sa kuwento ng mga bihag na nasagip. 

Bago nito, sinabi ng militar na kinokompirma pa nila kung napabilang ang dayuhan sa mga teroristang napatay ng mga sundalo nito lang Miyerkoles, Oktubre 18.

Sa kabila nito, sinabi ni Col. Romeo Brawner, commander ng Task Group Ranao, na may mga lumalaban pa ring mga terorista.

Ayon naman sa source ng ABS-CBN, nasa 10 hinihinalang miyembro ng Maute ang sumuko sa awtoridad nitong Huwebes ng hapon.

'Clean up drive', sinimulan na

Samantala, sinimulan na ang "clean-up drive" o paglilinis sa ilang "controlled area" gaya ng Lilod Saduc, Saduc Proper, Raya Saduc, Tuca, at Dayawan.

Ayon kay Col. Rosendo Abad Jr. ng Task Group Ranao, bahagi ang clean-up drive sa mga hakbang sa ilalim ng "Brigada Marawi" o iyong plano sa pagbabalik ng mga bakwit sa lungsod.

Kabilang sa unang bahagi ng "Brigada Marawi" ang pagwawalis, pagkakandado ng mga nakabukas na gate at pinto, at paghila ng mga sasakyang nakakalat sa daan.

Ang Phase 2 at 3 naman ay may kinalaman sa seguridad, profiling o pagkilala sa mga residenteng planong bumalik.

Huling bahagi naman ang tuluyang pagbabalik ng mga bakwit.

Paalala ni Abad, bawal munang magsama o magpatira ng mga hindi residente sa barangay, kahit kaanak.

Nag-aalala naman ang ilang kapitan ng mga barangay sa pagnanakaw na nangyari sa kanilang mga lugar.

Samantala, naaantala ang pagsasaayos ng mga pansamantalang lilipatan ng mga bakwit dahil sa ulan. 

-- Ulat nina Raphael Bosano at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.