Pagkamatay ng Malaysian terrorist sa Marawi, kinukumpirma

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 04:43 PM

Bineberipika na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na napaslang na ang Malaysian terrorist na si Dr. Mahmud Ahmad sa Marawi City, kung saan umano siya nagbigay ng pondo para mailunsad ang gulo. 

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Major General Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, na nakuha nila ang impormasyon sa mag-inang na-rescue mula sa main battle area.

Napag-alamang pitong terorista ang napatay sa operasyon Huwebes ng madaling-araw. Isa umano rito ang tila banyaga na pareho ang deskripsyon kay Mahmud.

Si Mahmud ang sinasabing nagpasok ng pera upang pondohan ang mga terorista sa paghahasik ng lagim sa Marawi.

Malaki ang paniniwala ng militar na patay na talaga si Mahmud pero kailangan munang makuha ang bangkay ng banyaga bago sila maglabas ng opisyal na kumpirmasyon.

Nitong Miyerkoles, 13 ring miyembro ng Maute ang napatay sa patuloy na operasyon ng militar habang may anim na sundalo ang nasugatan.

Pagbangon ng Marawi

Samantala, sisimulan na ngayong Huwebes ang paglilinis sa dalawang barangay sa Marawi City. 

Simula ito ng pagbangon ng siyudad at paghahanda para sa pagbabalik ng mga residente. 

Uunahin sa clean-up drive ang Barangay Raya Saduk at Barangay Suka na nasa tinatawag na "controlled area."

Sa kabuuan, may 96 na barangay ang Marawi City.

Tatlumpu't apat dito ay nasa main battle area, habang 20-30 naman ang nasa controlled area.

--Ulat mula sa Headline Pilipinas

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.