Lalaking nanugod, nanira ng taxi, hinahanap

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 06:03 PM | Updated as of Oct 19 2017 08:47 PM

Hinahanap na at sinampahan na rin ng reklamo nitong Huwebes, Oktubre 19, ang isang lalaking nanugod at nanira ng taxi sa Barangay Mabolo sa Cebu City.

Pumunta sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) – 7 ang taxi driver na si Christopher Lador para magsampa ng reklamo sa driver ng isang nirentahang sasakyang tinukoy bilang si Edward Erasmo.

Kuwento ni Lador, pumapasada siya noong Martes, Oktubre 17, nang bigla na lang siyang hinarang umano ni Erasmo sakay ng isang Toyota Innova.

Pilit ding pinabababa ni Erasmo si Lador.

Nakunan pa sa video na nagtatanong si Lador kung ano ang kasalanan niya habang tinatadyakan ni Erasmo ang taxi para pababain siya.

Kinuhanan agad ng video ng tatlong sakay ng taxi ang pangyayari hanggang sa kumuha na ng pambato si Erasmo at hinampas ang bintana ng taxi sa puwesto ng drayber.

Basag ang bintana ng taxi.

Hindi pa nakontento ang motorista, sinapak pa niya si Lador. 

Akmang hahampasin din ang drayber ng ipinambasag sa bintana, pero napigilan siya ni Lador na ikinasugat naman ng kaniyang kamay.

Nagsitakbuhan naman palabas ang mga pasahero nang marinig nila na kukuha ng baril ang suspek. 

"Kung wa pa lang ko'y pasahero mokanaog gyud ko pero gipugngan ko nila", (kung wala lang sana akong pasahero, bababa talaga ako),” ayon kay Lador. 

Ayon sa precision specialist ng LTFRB-7 na si Jun Tumulak, hindi na makontak ng may-ari ng rent-a-car si Erasmo hanggang ngayon at hindi na rin nila siya makita matapos ang pangyayari.

Magsasampa rin ng kaso ang may-ari ng Yoo Taxi.

-- May ulat ni Rhea Soco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.