Cayetano ipinaliwanag ang pagtanggi sa tulong ng EU

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:21 PM | Updated as of Oct 20 2017 01:10 AM

Ipinagmalaki ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na naging matagumpay umano ang kaniyang pagbisita sa United Nations General Assembly na ginanap sa Amerika.

Ipinaliwanag niya sa kaniyang pagbisita roon ang posisyon ng administrasyon sa isyu ng karapatang pantao sa kalagitnaan ng giyera kontra droga.

Samantala, ipinagtanggol din ni Cayetano ang pagsama sa biyahe nina Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson, at ang blogger na si RJ Nieto o mas kilalang Thinking Pinoy.

Si Nieto ay isang consultant sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nagpahayag na ng kaniyang intensyong magbitiw noong nakaraang linggo.

Ayon kay Cayetano, sinagot ng DFA ang tiket at gastusin sa hotel at pagkain ng dalawang blogger.

Nilinaw ni Cayetano na hindi lahat ng sinasabi ng mga naturang blogger ay "gospel truth" o katotohanan.

Pero mahalaga umano ang mga blogger dahil nagsisilbi silang mekanismo ng pamahalaan para direktang makipag-ugnayan at makipag-usap sa taumbayan.

Dumipensa rin si Cayetano matapos maging viral ang kaniyang pagharap sa isang programa ng international news agency na Al Jazeera.

Sinabi ni Cayetano sa programa na lahat ng napatay sa giyera kontra droga ay may kinalaman sa ilegal na droga.

Ani Cayetano, ipinaliwanag niya ang posisyon ng gobyerno sa isyu.

'Hindi na tatanggap mula sa EU'

Samantala, pormal nang ipararating ni Cayetano sa kinatawan ng European Union (EU) na tatanggihan ng Pilipinas ang anumang grant o perang kaloob ng EU.

Kasunod ito ng pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kinatawan ng EU dahil sa pambabatikos sa giyera kontra droga.

Ngunit sinabi ni Cayetano na hindi lamang tatanggapin ang grant sakaling may kaakibat itong kasunduang maaari silang makialam sa pagpapatakbo ng bansa.

Tiniyak ni Cayetano na hindi dapat apektado ng pagtanggi sa grant ang relasyon ng Pilipinas at EU, lalo na sa usaping kalakalan. 

Matapos ang kaniyang opisyal na pagbisita sa Amerika, sumabak si Cayetano sa mga aktibidad na may kinalaman sa ASEAN.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.