Babae, ginahasa, kinuhanan ng mahahalay na larawan ng katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:14 PM | Updated as of Oct 19 2017 09:36 PM

Arestado ang isang lalaki matapos gahasain umano ang katrabahong babae at kuhanan ng retrato, na ginamit niya para puwersahin ang biktimang makipagtalik muli sa kaniya.

Kinilala ang suspek na si Federico Angulo na nahuli ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang motel sa Malate, Maynila.

Nasa sasakyan ng suspek ang biktimang si alyas "Mika" nang matugis ng mga awtoridad.

Ayon kay Mika, tagapagmaneho sa kanilang opisina si Angulo.

Ginahasa na umano siya ng suspek noong Disyembre matapos painumin ng pampatulog.

Nang magising si Mika'y nasa motel na siya at wala nang maalala.

Ikinagulat ng biktima nang malamang kinunan siya ng retrato ni Angulo.
 
Pinilit daw ni Angulo si Mika na makipagtalik matapos takuting ipagkakalat ang mga retrato sa Facebook. 

Dumating pa sa puntong umalis na sa trabaho ang biktima dahil nais umanong makipagkita ni Angulo ng tatlong beses kada buwan sa kaniya.

Nagbanta rin si Angulo na ipagkakalat sa kanilang mga katrabaho ang mga retrato ni Mika.

Pero depensa ni Angulo, may relasyon umano sila ni Mika at tatapusin na raw sana niya ito dahil pareho silang pamilyado.

Itinanggi rin nitong pinilit ang biktima.

Patong-patong na kasong attempted rape, paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Law, at violence against women and children ang isinampa kay Angulo.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.