ALAMIN: Panukalang gabay sa paggamit ng social media para sa gov't employees

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 12:44 PM

Malaki ang naitutulong ng social media sa mga kagawaran at ahensiya ng gobyerno dahil mas mabilis nitong naipapahatid ang impormasyon at serbisyo sa publiko.

Kamakailan ay naglabas ng draft administrative order ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para gabayan ang lahat ng mga manggagawa sa mga ahensiya ng gobyerno.

Ilan sa mga ipinagbabawal na i-post o i-upload sa social media:

  • Mga post na nakasisira sa isang tao
  • Materyal na maaaring gamitin pang-blackmail
  • Pornographic content
  • Copyrighted materials
  • Jokes o mga biro
  • Promotion
  • Opinyon na taliwas sa pananaw ng ahensiya

Ayon kay Carlos Caliwara, assistant secretary ng DICT, hindi umano matatapakan ng mga patakaran ang freedom of expression o karapatan sa malayang pagpapahayag.

"'Pag ikaw ay isang gov't official, you are governed by certain set of rules, ethical standards ... therefore you have to conduct yourself properly as a public official," ani Caliwara.

Ayon sa blogger na si Tonyo Cruz, napapanahon ang pagkakaroon ng pamantayan ng gobyerno sa paggamit ng social media.

Pero para kay Cruz, masyadong detalyado ang draft o mungkahi ng DICT.

Dapat umano'y ipinauubaya na lamang ang paggawa ng mga patakaran sa bawat ahensiya.

"Napakaraming ahensiya o sangay ng gobyerno at iba-iba 'yong mga trabaho nito, parang one size fits all 'yung rules na lumabas," ani Cruz.

Isa rin sa nakikita ni Cruz na mahalagang isaalang-alang sa paggawa ng social media guidelines ay ang mga hinaing at tanong ng publiko.

"Ano 'yong aasahan natin mula sa gobyerno kung magkakaroon ng rules? Mas magiging mabilis ba 'yong pagsagot nila sa mga tanong o hinaing ng taumbayan?" ani Cruz.

Nilinaw naman ng DICT na hindi pa plantsado ang administrative order.

Marami pa umanong puwedeng mabago sa draft na pinagtutulungang buoin ng Civil Service Commission, Presidential Communications Operations Office at iba pang ahensiya.

Maaaring ma-download at mabasa ang draft guidelines sa website ng DICT para sa mga nais magbigay ng komento. Puwede itong i-email sa [email protected]

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.