Pagtaya sa pinsala sa Marawi, umarangkada na: AFP

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 05:37 PM

Nagsimula na ang mga paunang hakbang para sa rehabilitasyon ng Marawi City matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na "liberated" o malaya na ang siyudad mula sa mga terorista.

Ayon kay Major General Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pinapasok na ng militar ang ilang miyembro ng "assessment team" para siyasatin ang pinsala sa siyudad.

"Nagbigay daan na po kami sa pagpasok ng ibang assessment team dahil itong dalawang ektarya... hindi na makaka-impact sa ibang parte ng na-damage na area ng Marawi," ani Padilla sa programang "Kabayan" ng DZMM.

Mayroon pa kasing natitirang dalawang ektarya na hindi pa nababawi ng militar.

Dagdag ni Padilla, mayroon pa ring natitirang 20 hanggang 30 na armado o "stragglers."

Kabilang sa assessment team ang mga urban planner, inhinyero at iba pang eksperto na magbibigay ng angkop na rekomendasyon para muling maitayo ang Marawi.

Una umanong pagtutuunan ng pansin ang pagbabalik sa mga pangunahing serbisyo gaya ng kuryente, tubig, kalsada, palengke, simbahan, mosque at paaralan.

Sa kabila ng idineklarang "liberation," nilinaw ni Padilla na hindi pa maaaring makabalik ang mga lumikas na residente.

Mayroon pa kasing mga natitirang bomba at patibong na hindi pa sumasabog.

Kaya magpapadala rin ang militar ng mga karagdagang eksperto para ma-defuse o mapatay ang mga patibong.

Pabuya

Ayon kay Padilla, hindi sa mga sundalo mapupunta ang pabuyang alok ng pamahalaan at Estados Unidos para sa ulo ng mga itinuturing na "pasimuno" ng sigalot.

Aniya, ibibigay ang pera sa mga nararapat na impormante.

Noong Hunyo, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ng pabuyang P10 milyon para sa "neutralization" ni Isnilon Hapilon, ang itinalaga umanong pinuno ng ISIS sa southeast Asia.

Mayroon ding P5 milyong patong sa ulo ang magkapatid na Abdullah at Omar Maute.

Dagdag pa rito ang $5 milyon (tinatayang higit P255 milyon sa kasalukuyang palitan na P51.2=$1) na ipinatong ng Estados Unidos sa ulo ni Hapilon. 

Sinabi ni Padilla, Estados Unidos ang magpapasiya kung kanino ibibigay ang kanilang pera.

Ibinahagi rin ni Padilla na National Bureau of Investigation o Philippine National Police ang magsasagawa ng DNA test sa mga bangkay nina Hapilon at Maute.

Ayon pa kay Padilla, 163 mula sa tropa ng pamahalaan at 47 sibilyan ang kumpirmadong napatay mula nang magsimula ang bakbakan.

Pero inaasahan pang madagdagan umano ang bilang sa patuloy na pagsuyod ng militar sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.