Motorcycle rider bumangga sa separator, tumilapon sa Commonwealth

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 10:04 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang lalaki matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang separator sa southbound ng Commonwealth Avenue kaninang umaga.

Kinilala ang biktima na si Marcelo Tumaglas, na duguan at bukol-bukol matapos tumilapon sa daan bunsod ng aksidente.

Aminado si Tumaglas na nakainom siya pero aniya, kulang din sa ilaw ang highway at hindi niya agad napansin ang separator.

Galing ang rider sa death anniversary ng pinsan sa Marikina at pauwi sana sa Tandang Sora nang siya ay maaksidente.

Ayon kay PO3 Adelito Mupas, posibleng maharap si Tumaglas sa kasong pagmamaneho nang nakainom.

Violation din umano ang pagmamaneho ng rider sa labas ng motorcycle lane.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad na delikadong magmaneho nang nasa impluwensiya ng alkohol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.