Mga grupo, nagngitngit sa ultimatum ni Duterte sa jeep modernization

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 08:37 PM | Updated as of Oct 19 2017 12:08 AM

Gobyerno, OK makipag-usap para mapatupad ang programa

Umalma ang grupong Piston sa palugit na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng programang modernisasyon ng pampasaherong jeep, na ipinako sa Enero 2018.

Ayon sa Piston, imposible ang hinihingi ng Pangulo lalo't may kamahalan ang mga unit na nasa P1.2 hanggang P1.8 milyong piso.

Mabigat ang mga binitawang salita ni Duterte laban sa mga transport group na nagprotesta noong Lunes, Oktubre 16 at Martes, Oktubre 17.

Wala umano siyang pakialam kung maghirap man o magutom ang mga nagrereklamong tsuper at operator.

"Magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam. It’s the majority of the people, huwag niyong ipasubo ang tao,” ani Duterte sa kaniyang talumpati noong Martes.

Nanindigan din ang Pangulo na wawasakin ang mga lumang jeep na hindi rehistrado at ipakukulong ang sinumang hindi susunod sa ibinigay niyang palugit.

Ayon sa Piston, mas matinding kilos-protesta ang maaaring idulot ng mga banta ng Pangulo.

Modernisasyon, hindi bago

Hirit naman ng grupong Gabriela, pinatunayan ng pahayag ng Pangulo na "peke" ang malasakit niya sa mga mahihirap.

"Inilaglag ni Pangulong Duterte ang kanyang sarili mismo. Pati yung ibinibida niyang malasakit sa mahihirap, fake rin pala," ani Gabriela sa kanilang pahayag."

 

Naniniwala ang Gabriela na pagsisisihan ng Pangulo ang pagbabanta at pangmamaliit sa mga mahihirap.

Banat naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, mas pinaboran ng pamahalaan ang malalaking kompanya sa halip na tulungan ang mga tsuper.

Ngunit iginiit ng Malacañang na hindi na bago ang programang modernisasyon ng pampasaherong jeep.

Plano na raw ito ng nakaraang administrasyon subalit hindi natuloy dahil sa mga kilos-protesta.

Bukas pa rin ang gobyerno sa pakikipag-usap sa mga transport group para sa maayos na pagsasakatuparan ng programa.

Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), makikipag-ugnayan sila sa Department of Transportation para umayon ang kanilang mga plano sa palugit na ibinigay ng Pangulo.

Dagdag pa ng LTFRB, hindi lahat ng grupo ay tutol sa modernisasyon.

May mga transport group na umanong bumibili ng mga bagong unit ng jeep sa ilalim ng financial scheme na alok ng gobyerno.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.