'Bakit ganito ang nangyari?': 15 anyos na bihag ng Maute, ginahasa sa harap ng ina

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 09:40 PM | Updated as of Oct 19 2017 01:03 AM

Nakunan ng video ang isang babaeng bihag na nasagip ng mga sundalo mula sa teroristang grupong Maute sa main battle area, bago mapatay sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.

Madaling araw noong Linggo, Oktubre 15, nakunan ng isang sundalo ang nangyaring paglusob at pagbibigay ng paunang lunas sa babaeng ginawa umanong "human shield" ng mga terorista.

Umiiyak ang babae, kasama ang isa pang babaeng may tama ng bala sa likod.

Agad siyang inasikaso ng mga sundalo, binigyan ng tubig at nilagyan ng dextrose.

Maririnig pa sa video na sinasabihan ang biktimang huwag mag-alala at buhay siya.

Matapos lapatan ng paunang lunas, dinala ang babae sa ambulansiya. 

Ayon sa ilang naging bihag ng Maute, matinding pahirap ang ginawa sa kanila ng mga terorista.

Ang ilan, limang araw na hindi umano pinakain o pina-inom.

Hindi rin napigilan ng isang ginang na maiyak habang ikinukuwento ang mapait na karanasan nilang mag-ina sa kamay ng mga terorista.

Ani ginang, wala siyang nagawa nang gahasain sa kaniyang harap ang 15 anyos na dalagitang anak.

Paulit-ulit din siyang tinanong ng anak noon kung kailan matatapos ang kanilang bangungot.

"'Bakit ganito ang nangyari sa'kin, mama? Bakit ganito ang nangyari... ito lang ang inabutan ng buhay ko? Nagahasa nila 'ko sa harap ninyo'," ani ginang sa madalas na sambit ng anak.

Babalik pang Marawi?

May ilang bakwit namang nagdadalawang-isip kung babalik pa sila sa Marawi. 

Ito'y sa kabila ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas na ang siyudad sa mga terorista.

Si Faisal Saprudin, iniisip ang kapakanan na kaniyang pamilya lalo na't payapa na ang kanilang buhay sa nilipatang siyudad ng Dipolog.

Si Aida Marujom naman, wala na umanong bahay na babalikan sa Marawi.

Inilibing din nitong Martes, Oktubre 17, ang iba pang bangkay na nakuha sa main battle area, kahit hindi pa natutukoy ng militar kung sila'y mga sibilyan o terorista.

-- Ulat nina Kori Quintos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.