4 sugatan sa salpukan ng 2 motor sa Valenzuela

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 09:43 AM

MAYNILA - Apat ang sugatan matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng service road sa Barangay Mapulang Lupa, Valenzuela City.

Ayon sa 34 anyos na si Anthony Teves, angkas niya ang katrabahong si Ernesto Pulido nang masilaw siya sa headlight ng kasalubong na motor.

Pero ayon naman kay Merlie Tibolong, na sakay ng isa pang motor, nag-overtake sina Teves sa naunang trak kaya napapunta sa kanilang linya.

Iniwas ni Jhonce De Guzman, live-in partner ni Tibolong, ang kanilang motor, pero tumama pa rin ito sa ng motor ni Teves.

Dinala agad sa Valenzuela Medical Center ang apat.

Nagtamo ng mga sugat at galos si De Guzman at Tibolong. May mga sugat din sa kamay at mukha si Teves. 

Ang kasama naman niyang si Pulido, naka-wheelchair na nang dumating sa Valenzuela Police Station. Hirap na umano itong maglakad dahil sa bugbog sa binti. May mga sugat din siya sa braso at mukha.

Ayon sa imbestigador, nakita sa medical report na lasing si Teves. Kasalukuyan pang nag-uusap ang dalawang grupo upang magkasundo sa kung sino ang magbabayad sa nasirang motor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.