2 lalaking nagbebenta ng nakaw na gamit, tiklo sa Benguet

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 12:54 AM

Nakuha mula sa suspek ang halos P40,000 halaga ng nakaw na gamit.

Arestado ang dalawang lalaking nagbebenta umano ng nakaw na gamit sa La Trinidad, Benguet nitong Lunes.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Dalifer Oplas, 37, at Darvin Bucang, 22.

“Nagtanong-tanong kami sa iba, 'yung isang bahay duon, doon nila nakuha 'yung camera, 'yung iba hindi alam kung kanino, kaya umaapela kami sa iba na matignan yung items na ito," ani Chief Insp. Benson Macli-ing, hepe ng La Trinidad Police.

Nakumpiska ang halos P40,000 halaga ng cellphone, camera at iba pang gamit na ninakaw umano nila sa pamamagitan ng pagpasok sa mga bahay.

Aminado ang mga suspek sa kanilang krimen pero tikom ang kanilang biig kung bakit at kung saan nila gagastusin ang kikitain sa mga ninakaw.

Ayon sa kanila, binugbog daw sila ng mga pulis habang pinapaamin sa pagnanakaw ng iba pang gamit.

May sugat sila sa ulo habang maga ang binti, paa, at mga braso.

“'Yung motor ninakaw daw namin, hindi naman,” ani Oplas.

Paliwanag ng mga pulis, alibi lang ng mga suspek ito at mga residente daw ang bumogbog sa kanila.

Kasalukuyang nakakulong sa Benguet Provincial Jail na ang mga suspek at nahaharap sa kasong robbery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.