Naisalbang agila, binawian na rin ng buhay

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 03:56 PM

PUERTO PRINCESA – Hindi na umabot sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center ang isang agilang dagat na-rescue sa bakawan sa Puerto Princesa.

Ang White Bellied Sea-Eagle ay natagpuan ni Rose Tabio at ng kanyang kapatid na nanghihina at hirap nang makalipad sa bakawan malapit sa kanilang bahay sa Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa.

Sinubukan nilang pakainin ang agila para maka-survive habang naghahanap ng ekspertong makakapag-rescue nito.

Pero Martes ng umaga nang ihahatid na sa PWRCC ang agila para matingnan ang kundisyon, laking panghihinayang ng magkapatid nang makitang wala na itong buhay. 

Sa tantiya ng PWRCC, nasa limang taon na ang agila. Carnivorous umano ito o ang pagkain ay ang mga isda kaya nakikita ito malapit sa dagat.

Marahil naapektuhan umano ng sama ng panahon ang ibon kaya ito nanghina at hindi na nakalipad.

Pinaalala rin ng PWRCC na kapag may natatagpuang buhay-ilang ay agad na ipaalam sa kanilang opisina lalo pa kung nangangailangan ng atensyong medikal.

Ang White Bellied Sea-Eagle din umano ang isa sa pinakamalaking ibon na matatagpuan sa Palawan pero nabibilang na rin ito sa threatened species.

Agad na ring inilibing ang ibon sa takot na baka magdala pa ito ng sakit sa mga tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.