Batas militar, kailangan pa rin: AFP

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 06:42 PM | Updated as of Oct 18 2017 01:21 AM

  • AFP: May mga terorista pa rin sa ibang bahagi ng Mindanao
  • Ilang senador, pinababawi na ang batas militar
  • Mga bakwit, umaasang makababalik na sa 'liberated' Marawi

Nakatakdang talakayin ni Pangulong Duterte sa lokal na pamahalaan kung dapat na bang alisin ang umiiral na batas militar sa Mindanao matapos mapatay ang mga teroristang lider na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute sa opensiba ng militar nitong Lunes, Oktubre 16.

Idineklara na rin ni Duterte na "liberated" o malaya na ang Marawi nitong Martes, Oktubre 17.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), magbibigay sila ng rekomendasyon kay Duterte tungkol sa batas militar.

Naniniwala kasi ang AFP na dapat magpatuloy ang batas militar sa Mindanao dahil nananatili ang banta ng iba pang teroristang grupo sa rehiyon.

"There is a greater threat that needs to be addressed, and the need of maintenance of martial law in some parts is really important because of the existence of the networks of all these terrorist groups," ani AFP spokesman Major General Restituto Padilla. 

Aniya, nananatili ang sala-salabat na sangay ng mga teroristang grupo sa iba pang bahagi ng Mindanao tulad sa Jolo, Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao, at Cotabato.

Nagpapatuloy rin ang opensiba ng militar sa Marawi dahil pinaniniwalaang naroon pa rin ang nasa 30 nalalabing terorista, kabilang na ang ilang dayuhan.

Isa sa mga dayuhang teroristang tinutugis pa rin si Dr. Mahmoud Ahmad na itinuturong nagpondo sa pag-atake sa Marawi at umano'y koneksiyon ng Maute group sa liderato ng Islamic State sa Gitnang Silangan.

Pero sa tingin ni Padilla, malabong si Ahmad ang humaliling lider ng teroristang grupo kasunod ng pagkamatay nina Hapilon at Maute dahil hindi sanay sa bakbakan si Ahmad.

Ayon din sa gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Mujiv Hataman, dapat magsilbing leksiyon ang naging pagkukulang ng militar bago ang pag-usbong ng Maute group. 

Martial law hanggang Disyembre 2017

Isinailalim sa batas militar ang buong Mindanao kasunod ng pag-atake ng Maute group sa Marawi noong Mayo 23.

Sa ilalim ng Konstitusyon, may bisang 60 araw ang idineklarang batas militar ng pangulo, at kung palalawigin ay kailangan nang may basbas ng Kongreso.

Kaya noong Hulyo 22, nagkaroon ng special joint session ang parehong kapulungan ng Kongreso para pagbotohan ang martial law extension.

Pumabor sa pagpapalawig ng batas militar hanggang katapusan ng 2017 ang 261 mambabatas, habang kumontra ang 18.

Kaakibat nitong batas militar ang suspensiyon ng privilege of writ of habeas corpus.

Apat na senador ang tumutol sa martial law extension, kabilang sina Senador Francis "Kiko" Pangilinan at Risa Hontiveros.

Sa isang text message, sinabi ni Pangilinan na matututukan ang rehabilitasyon sa Marawi kung aalisin na ang umiiral na batas militar sa Mindanao.

Hihintayin niya rin daw ang rekomendasyon ng AFP at Department of National Defense kaugnay nito.

Nanindigan naman si Hontiveros na simula't sapul, kakayanin ng mga sundalong magapi ang mga terorista kahit walang martial law.

Si Senador Panfilo "Ping" Lacson na kabilang sa mga pumabor sa martial law extension, naniniwalang hindi na aabot pa nang Disyembre ang pag-iral ng batas militar sa Mindanao.

Tingin naman ni Senador JV Ejercito, epektibo ang batas militar na pangontra sa mga private army.

Nauna nang sinabi ng ehekutibo na babawiin ang batas militar nang mas maaga sa katapusan ng taon kung makita hindi na ito kailangan.

Kailan uuwi ang mga bakwit?

Sa kabila rin ng deklarasyan na malaya na ang Marawi, hindi pa rin ligtas para sa mga "bakwit" o mga lumikas na residente na bumalik sa kani-kanilang mga tirahan dahil may banta pa rin ng mga pampasabog na iniwan sa lugar.

"Dadahan-dahanin pa po natin 'yung pagbalik ng mga residente dahil madami pa pong mga mapanganib na lugar," paliwanag ni Padilla. "Una hindi pa po ganap na naki-clear ng mga unexploded ordnance, IED, at iba pang patibong ang ibang lugar sa Marawi."

Para sa bakwit na si Faiza Bangcola, maniniwala lang siyang "liberated" nang tunay ang Marawi kung makakauwi na sila sa kanilang bahay.

Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, papayagang makabalik ang ilang bakwit sa Marawi kung ang kanilang bahay ay hindi gaanong napuruhan ng bakbakan.

Sa ngayon, pinapaspasan na ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng transitional houses na magiging pansamantalang tirahan ng mga bakwit na tuluyang nawalan ng bahay dahil sa sigalot.

Susuriin pa rin muna ang kabuuang halaga ng pinsala para matukoy kung magkano ang kakailanganing pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi. -- Ulat nina Pia Gutierrez, Kori Quintos, at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.