Bantang revolutionary gov't ni Duterte, ikinumpara sa 'diktadura'

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 09:28 PM | Updated as of Oct 17 2017 09:36 PM

Nagbabala ang isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution laban sa bantang revolutionary government ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"When he talks about a government like that, that's a dictatorship," ani Atty. Christian Monsod sa programang "Early Edition" ng ANC.

Aniya, kung ipagpapatuloy ng Pangulo ang banta, kailangang unawain lalo ng mga mahihirap ang magiging epekto nito sa kanila.

"There will be new small dictators at the local level," ani Monsod.

"Eh sinong kawawa 'pag 'yong maliliit na diktador sa mga municipalities, sa mga barangays? 'Di yung mga mahihirap?" dagdag ni Monsod.

Kinuwestiyon din ni Monsod kung nasa tamang pag-iisip ang Pangulo dahil sa pabago-bago nitong mga pahayag.

Una nang nagbanta si Duterte ng revolutionary government kasabay ng mga umano'y "destabilization efforts" ng oposisyon.

Magkakasama umano ang mga komunistang rebelde, mga 'elitista' at maging ang U.S. Central Intelligence Agency (CIA) sa planong sirain ang kaniyang administrasyon.

Duda naman si Senador Panfilo Lacson kung isasakatuparan ng Pangulo ang banta nito.

"By now, I can speak for myself [as] I've grown accustomed to this impulsive comments and reactions from the President. He knows in his heart of hearts, he won't do it and he can't do it," ani Lacson.

Para naman kay Vice President Leni Robredo, walang batayan ang isang revolutionary government.

Ani Robredo, magdudulot lamang ito ng takot at pangamba sa taumbayan.-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.