'Revolutionary gov't, di uubra, walang suporta'

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 09:39 PM

Iba't ibang grupo ang kumondena sa babala ni Pangulong Duterte na magdedeklara siya ng isang revolutionary government sakaling magkagulo dulot ng umano'y destabilization laban sa kaniya.

Desidido ang grupong "Movement Against Tyranny" na labanan ang anumang hakbang tungo sa sinabi ng Pangulo.

"Ang nakikita natin, 'yong sinasabing revolutionary government ni Duterte ay walang iba kundi one-man dictatorship," ani Teddy Casiño, coordinator ng Movement Against Tyranny.

Ito rin ang pananaw ni Magdalo party-list Representative Gary Alejano na kabilang sa grupong "Tindig Pilipinas."

Kapuwa kinukondena ng dalawang grupo ang madugong kampanya ni Duterte kontra droga.

Pero hindi naman daw ibig sabihin, pinapatalsik nila si Duterte nang hindi naaayon sa Konstitusyon.

"Itong pagganap ng rallies ay kasama ito sa mga malayang pag-express ng grievances ng taumbayan," ani Alejano.

Pumalag din ang isang opisyal ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa bintang na may kinalaman ang ilang opisyal ng Simbahang Katolika sa sinasabing planong destabilization kay Duterte.

"Walang layunin na patalsikin ang ating Pangulo. Mariin naming sinasabi na ang Simbahan ay hindi gagawa ng mga hakbang para i-undermine natin ang Pangulo," ani Fr. Jerome Secillano, 
executive secretary ng CBCP Committee on Public Affairs.

Ayon kay Mon Casiple, political analyst at executive director ng Institute for Political and Electoral Reform, depensa lang ni Duterte ang bantang revolutionary government sa paniwala niyang may sabwatan para patalsikin siya sa puwesto.

Pero di naman aniya uubra ang plano ng Pangulo sa ngayon dahil wala itong suporta mula sa tao.

Dagdag ni Casiple, ibang usapan sakaling suportado lang ng Sandatahang Lakas ang ikinakasang revolutionary government ni Duterte

"If you don't have the support of the people, you should have the support of the Armed Forces, 'yon ang diktador, kasi wala 'yong [suporta ng] tao," ani Casiple.

Sa ngayon, hindi pa malinaw ang magiging hubog ng bagong pamahalaang binabanggit ni Duterte o kung tototohanin nga niya ito. -- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.