#WalangPasok: Klase sa lahat ng antas, trabaho sa gobyerno at mga korte, suspendido sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 01:43 PM | Updated as of Oct 15 2017 07:14 PM

Sinuspinde ng Malacañang ang trabaho sa mga opisina ng pamahalaan at pasok sa lahat ng antas sa mga paaralan sa buong bansa sa Lunes, Oktubre 16.

Bunsod ito ng ikinasang tigil-pasada ng ilang transport group bilang pagtutol sa jeepney modernization program.

Wala pa namang abiso ng suspensiyon ng pasok para sa Martes, Oktubre 17 na ikalawang araw ng transport strike.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, nasa pagpapasya na ng mga employer sa mga pribadong kompanya kung magsususpinde rin ng pasok.

Ipinag-utos na rin ng Korte Suprema na suspindehin ang trabaho sa lahat ng korte sa bansa.

Una nang nagsuspende ang ilang lokal na pamahalaan at ilang paaralan ng pasok sa Lunes.

Sinabi ni George San Mateo, pangulo ng grupong Piston, na makikilahok sa protesta ang ilang transport group mula sa Cagayan, Pampanga, Laguna, Camarines Norte, at Mindanao.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.