3 sugatan sa sunog sa Longos, Malabon

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 01:47 PM

MANILA-Tatlo ang sugatan sa naganap na sunog sa Lapu-Lapu Avenue, Barangay Longos, Malabon City nitong Linggo ng umaga.

Limang bahay kabilang ang isang tindahan ng party needs o gawaan ng nga lobo ang nadamay sa insidente.

Agad naman nalapatan ng paunang lunas ang mga sugatan na sina Arlene Hepilano na siyang may-ari ng tindahan, at mga tauhan na sina Lorita Bugacia at Argel Pilar.

Ayon kay Pilar, sumingaw ang tangke ng hydrogen gas na ginagamit sa paggawa ng lobo hanggang sa umabot ito sa nakabukas na kalan dahilan para tuluyang umapoy at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.

Umabot ang sunog sa ikatlong alarma bandang alas-11 ng umaga at naapula pasado alas-12 ng tanghali.

Ayon kay Fire Inspector Efren Calumag, hepe ng operations section ng Malabon City Fire Station, 8 pamilya ang apektado sa sunog habang nasa P100,000 ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.