Sundalong inabsuwelto, nakipag-usap sa ina ni Jonas Burgos

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 12:08 AM

Pinawalang-sala ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) nitong Huwebes, Oktubre 12, si Army Maj. Harry Baliaga Jr., ang sundalong inusig sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.

April 28, 2007 nang mawala si Burgos matapos damputin ng mga armadong lalaki sa isang mall sa Quezon City.

Kalauna'y nalamang mga sundalo ang mga armadong lalaki.

Hanggang ngayon, hindi pa siya natatagpuan.

Si Baliaga ang opisyal ng Army na nasakdal sa kasong arbitrary detention.

Matapos ilabas ang desisyon ng korte, agad tumabi si Baliaga kay Edita Burgos, ang ina ni Jonas.

"No'ng pagpasok ko pa lang, gusto ko na siyang (Edita) yakapin, actually ... alam ko rin naman ang nararamdaman ng isang ina," ani Baliaga. "Kung ako man naging [hinatulang] guilty ngayon, malamang malulungkot din mother ko."

Labis na sakit ang naramdaman ni Edita dahil wala pa ring hustisyang nakakamit sa pagkawala ni Jonas kahit 10 taon na ang nakalilipas.

"This is a bad day, I feel so bad, but we will find Jonas," naluluhang sabi ni Edita. "We shall not give up, a mother cannot give up. Maybe this is God's crooked way of helping us find him."

Pag-aaralan pa ng mga abogado ng pamilya Burgos ang mga legal na paraan upang mapanagot ang mga sundalong tumangay kay Jonas at matunton din ang utak sa pagkawala ni Jonas.

Sa isang pahayag, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sa pamamagitan ng desisyon ng korte, sana'y matuldukan na ang isyung bumagabag sa militar at pamilya Burgos.

Saad ng pahayag ng AFP Public Affairs Office: "We hope that this verdict of the court will put to rest the issues that surround [the] case that hounded the parties since 2007."

Tiniyak naman ni Edita na hindi titigil ang kanilang pamilya sa paghahanap ng katarungan para kay Jonas.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.