'Kawatang kasambahay', nakumbinsing sumuko ng anak

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 10:43 PM

Hawak na ng Quezon City Police District ang kasambahay na pinagbibintangang nagnakaw sa apat na pinasukang employer.

Ayon kay Margie Teodoro, kinumbinsi siya ng kaniyang anak na sumuko at panagutan ang kaniyang nagawa.

"Sabi niya sa akin, 'Mama, sumuko ka na.' Sa mga anak ko, patawarin niyo si Mama niyo. Alam ko binigyan ko kayo ng kahihiyan. Saka sa Mama ko na nasa ibang bansa, sana patawarin mo 'ko," umiiyak na pahayag ni Teodoro.

Napasugod sa presinto ang apat na nabiktimang employer at ibinuhos ang kanilang galit at sama ng loob kay Teodoro.

Kahit namugto na ang mga mata ni Teodoro sa kakaiyak at pagmamakaawa, nanindigan ang mga biktima na hindi nila palalampasin ang ginawa ng dating kasambahay.

Dumating din sa presinto ang mga empleyado ng lifemaideasy.ph o Quality Care Employment Services kung saan nakuha si Teodoro at emosyonal na sinumbatan ang suspek sa ginawa nitong krimen.

"Hindi namin kagustuhan ang nangyari pero dahil sa ginawa niya nasira kami, nawalan kami ng trabaho," pahayag ng isang empleyado ng ahensiya. 

Kasong qualified theft ang isinampa ng Eastwood City police kay Teodoro at isinailalim agad sa inquest proceeding sa piskalya.

Kasama rin sa kinasuhan ang may-ari ng lifemaideasy.ph na si Archiebal Arizo.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.