Holdaper, binugbog ng lalaking tinangkang biktimahin

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 06:57 PM | Updated as of Oct 14 2017 12:10 AM

Arestado ang bugbog-saradong holdaper matapos suntukin ng lalaking pinagtangkaan niyang nakawan noong Oktubre 10. 
 
Kuwento ng lalaking tinangkang holdapin na si Joshua Elizaga, sakay siya ng jeep nang naglabas ng baril at nag-anunsiyo ng holdap ang lalaking nakilalang si Jorge Borromeo.

Pagkakita ni Elizaga ng baril, hinawi niya aniya ito at itinulak palabas. 

Dalawang beses pang tinangka ni Borromeo na barilin siya pero hindi pumutok ang baril. 

Nang hindi pumutok ang baril, binalibag na ni Elizaga si Borromeo at sinuntok niya ito. 

Dumating naman ang mga pulis makalipas ang ilang sandali at pinigil ang pambubugbog saka inaresto si Borromeo. 

Ayon sa pulisya, notoryus ang holdaper na nahuli ni Elizaga.

Dagdag pa ni SPO4 Danilo Matahum ng Rizal Criminal Investigation and Detection Group, kapatid ng nahuling holdaper ang sinasabing lider ng Borromeo group, na nagtitinda ng ilegal na droga at nagnanakaw sa Antipolo City. 

Nakakulong na si Borromeo at nahaharap sa kasong attempted robbery.

Napag-alaman din na walang lisensiya ang baril na dala nito.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.