Halos 200 katao, dinampot sa 'one-time big-time' sa Caloocan, Parañaque

Kristine Sabillo at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 05:08 AM | Updated as of Oct 13 2017 05:46 AM

Mahigit 200 katao ang dinampot ng mga pulis sa operasyon kontra krimen sa Caloocan at Parañaque.

May 102 ang nahuling umiinom ng alak sa kalye at walang pantaas na damit. Nasa 89 na menor de edad ang lumabag sa curfew. Arestado naman ang lima katao dahil sa warrant.

Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, Caloocan City police chief, gusto daw nilang magkaroon ng disiplina ang mga residente.

Bagamat hindi na raw mamumuno ang pulis sa pagsugpo ng ilegal na droga, matutulungan naman daw nila ang Philippine Drug Enforcement Agency sa pamamagitan ng pagpapanatili ng magandang kapaligiran para sa mga kabataan at iba pang residente.

Imbis na ikulong at pagmultahin ang mga nahuling kalalakihan, pinag-push up na lamang sila at pinangaralan.

Parte daw ito ng kanyang "warning phase" bilang bagong talagang chief of police sa Caloocan.

Pagkatapos ng isang buwan ay deretso na sa kulungan ang mga lalabag sa lokal na batas.

Sa Parañaque City naman, pinapagbayad ng penalty ang mga nahuling nag-iinuman sa pampublikong lugar.

"Naging fully aware ang taong bayan sa pinatupad at pagsunod sa tamang sistema kaya kunti nalang ang nahuli ngayon," ayon kay Senior Supt. Leon Victor Rosete, Parañaque City police chief.

Aniya, makakapag-focus na din sila sa ibang operations gaya ng pag-igting ng police visibility matapos ipinapitigil sa mga pulis ang pagkasa ng anti-illegal drug operations.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.