Dating mayor ng Cagayan De Oro inabswelto ng Sandiganbayan sa kasong administratibo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 01:12 PM

MANILA- Inabswelto ng Sandiganbayan 1st Division si dating Cagayan de Oro Mayor Vicente Emano sa kasong administratibo kaugnay ng hindi pag-iimplementa umano ng isang desisyon ng Civil Service Commission.

Sa desisyong pirmado ni Associate Justice Dela Cruz, Geraldine Faith Econg at Edgardo Caldona, sinabi ng korte na bigo ang prosekusyon na patunayang sinadya ng akusado na hindi iimplementa ng nasabing desisyon.

Ang kaso ni Emano ay kaugnay sa desisyon ng CSC na ibalik si Leonor Espancia bilang senior bookkeeper ng J.R. Borja General Hospital sa Cagayan De Oro City.

Idinahilan ni Emano na hindi niya ipinatupad ang nasabing desisyon dahil ipinagbabawal aniya kapag eleksyon ang paglilipat ng mga empleyado ng gobyerno.

Ayon sa korte, bagaman hindi na-klaro kung sakop ng election ban ang panahon ng reinstatement ni Espancia, ang pagaatubili ni Emano na ipatupad ang desisyon ng CSC ay hindi nagpapakita ng "bad faith."

Ikinatuwa naman ni Emano ang naging desisyon ng Sandiganbayan.

"I would like to thank [the court], because I really don't think that I was guilty. I made a verbal order, even made a written order that I cannot attend to them because that was during the campaign time or campaign period. Ang mga tao sa opisina are wondering... There is a law that no movement should be made during campaign," ani Ermano.

Maghahain naman ang prosekusyon ng motion for reconsideration sa naging hatol ng Sandiganbayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.