Commercial building sa Maynila, nasunog

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 01:52 PM | Updated as of Oct 13 2017 03:28 PM

Naapula na ang sunog sa isang commercial building Biyernes ng hapon sa Osmeña Highway sa Maynila.

Idineklarang fire out ang sunog sa FEMS Tower 1 1:49 ng hapon. Nagsimula ang sunog alas-12 ng tanghali at umabot sa ikaapat na alarma.

Sa inisyal na imbestigasyon, nawala muna ang suplay ng kuryente bago nakitang nasusunog ang unit na inookopa ng Park Trade sa ikapitong palapag at pagmamay-ari ng isang Indian.

Hindi naman kumalat ang apoy sa iba pang bahagi ng 12 palapag na gusaling pagmamay-ari rin ng isang Indian.

Tanging isang unit lamang ang nasunog pero nagkaroon ng water damage ang ika-anim na palabag.

Naging makapal ang usok dahil puro tela ang nasunog sa naturang unit at kinailangan pang gumamit ng breathing apparatus ng mga bumbero.

Inaalam pa ang pinagmulan ng apoy at halaga ng pinsalang dinulot nito.

Iimbestigahn naman ang reklamo ng mga fire volunteer na pinalabas sila ng may-ari ng gusali at hindi agad pinayagang apulain ang apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.