Arraignment ni De Lima, muling ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 12:30 PM

MANILA - Muling ipinagpaliban ng Muntinlupa Regional Trial Court ang pagbasa ng sakdal kay Senador Leila De Lima kaugnay ng kanyang kasong illegal drug trading, Biyernes. 

Sa pasya ni RTC Branch 205 Judge Amelia Fabros-Corpuz, ito ay upang mabigyan ng pagkakataon na makapag-komento ang state prosecutors sa 2 motion for reconsideration (MR) na inihain ng mga abogado ni De Lima. 

Layon ng mga MR na maibasura ang kaso laban sa senador at mabaligtad ang pagbasura ng korte sa naunang motion for legislative furlough ni De Lima upang makadalo siya sa mga sesyon ng Senado. 

Itinakda ang susunod na pagdinig sa umaga ng Nobyembre 24.

Sa hapon ng parehong petsa, nakatakda ring humarap si De Lima sa Quezon City RTC para sa hiwalay na kasong disobedience to summons na isinampa ng Kamara laban sa kanya. 

Matatandaang tumanggi ang senadora na dumalo sa imbestigasyon ng mga kongresista ukol sa alegasyong tumanggap siya ng mga suhol mula sa mga inmate ng Bilibid New Prison noong justice secretary pa siya -- bagay na kanyang pinabulaanan. 

Habang paalis ng korte si De Lima, muli niyang sinabi na ikinalulungkot niya ang pagbasura ng Supreme Court nitong Lunes sa kahilingan niyang mapalaya.

Nabigo aniyang makita ng korte na ang lahat ng mga kaso laban sa kanya ay bunga umano ng panggigipit dahil sa politika. Ulat ni Zandro Ochona, DZMM 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.